Sunday, January 31, 2016


 A  K  O

nag-iisa.
namumukod tangi.
may sariling mundo, ayaw paawat
sa ano mang nais ko
maipamukha lamang sa sarili
na itong nilalang na ito
ay
ako.
 I K A W

wala akong
pakialam sa'yo
dahil ikaw
ay hindi ako
at kailanman
di ka magiging
ako, at ako
nungkang maging ikaw
(kahit clone pa kita)!

KATATONIKA

tulala
at
walang
magawa...
maghapo't
magdamag
siyang
di
makangawa
kundanga't
panaho'y
lumipas
na't
lahat
magawa ay
wala
at
tulala
 SIMBASIMBAHAN

sumainyo ang kapayapaan,
sumakanila ang kabanalan
lumuhod ka't manimdim, magdasal
ng walang tingkad
upang kaipala'y sumibol
sa isipan ang
katuturan
ng inilalakong
katotohanan!
mahirap mang arukin, salukin mo nawa
ang hiwaga ng abitong
magara
dahil hatid nito'y
dusa mula pa sa mga
prayleng nagpamana...
magmunimuni ka kaya?
silipin ang kahunghangang nakasilid
sa bawat orasyong
pinangangalandakan
at tuparin ang sumpang
ang langit
ay pag-aari ng simbahang sa
bawa't sandali
ay sa iyo'y
nagtataksil
P U S A

sa kawalan ng mamahali'y

kuting siyang iyong aampunin.

bibitbitin at aamuin sa kakapiranggot

na dilis nang agad kang kilalaning

panginoon.

papangalana't ilalayo sa mga pusakal

nang di mapariwara ang bubot na

kamalayang pusa.

hahagurin, lalaruin, ipagbubunying

parang sanggol

hahanap-hanapin upang pagod mo'y

mapigtal sa mayuming kalambutan

ng balahibo niyang hika ang katapat.

at sa kanyang pagkapusa'y mangingimi

ka, di niya alintana ang

pag-aruga

sapat nang lumaki siya't magising

ka sa lambing niyang gutom

at sa kanyang mata'y pagkain ka!

Thursday, January 28, 2016

 MOON MAMON


tuwing kabilugan syempre ng buwan

hayun siya't di magkamayaw at parang sinisilaban

wala namang pumapansin pilit siyang nananalamin

at kahit paano ay may mag-aksayang maninimdim!



moon mamOn!

moon mamOn!




adik siya sa liwanag ng buwan

sabik sa puting silaw nito

walang init, walang laman

kaya naman ang tawag sa kanya

ay

moon mamOn!

moon mamOn!




walang lasa. walang tagik.

walang pag-asa, laging sabik.



moon mamOn!
 AYOKO. AYOKO NA. AYOKO NANG MAGMAHAL


ayoko na . ayoko nang magmahal.

ngatal kong nasambit sa hangin habang humahangos papalayo sa'yo. pilit kong kinandado ang lagusan ng aking mga luha nguni't lalo itong nagpumiglas na dumanak sa nag-aapoy kong mga pisngi. hindi ko akalaing mararating natin ang ganitong pagkakataon kung saa'y kimi kong tatawirin ang unti-unting nasusunog na tulay na nag-uugnay sa atin. malalim na ang gabi subalit nagliliwanag ang kalangitan sa mga eksenang nagdaan; mga tikom na halakhak at impit na paghibik habang sa alaala'y sinusungkit natin ang lunggati.


ayoko na. ayoko nang magmahal.

bakit may kung anong sumisitsit sa damdaming pakawalan na kita. tuluyang isaboy sa kawalan ang pag-ibig na nadarama... sindihang parang kwitis at itudla sa buwan habang binubura ng iyong mga kasinungalingan ang nilatak ng kataksilang dapat ay ipinagkibitbalikat ko na lamang. bakit? bakit ako nagtatanong at bakit ayaw ko namang marinig ang anumang sagot? bakit?
ayoko na. ayoko nang magmahal. 
 
kung hindi kahapon ano't ngayon pa? haya't tuloy pa rin ang aking pag-uusisa... ayoko na nga ba ... ngayon o kailan man? o ayoko na nga bang umibig sa iyo? nguni't sadyang marupok ang puso kong hinubog ng iyong halik... bingi at manhid ang damdaming inaaruga ng iyong mga haplos at mariing mga yakap magdamag... ayoko na nga bang talaga?


ayoko. ayokong tigilan ka!
U L I R A T

pumikit.
umidlip.
dumilat.
ulirat.
pumikit.
umidlip.
dumilat.
ulirat.
pumikit.
umidlip.
dumilat.
ulirat.
humikab.
inantok.
pumikit.
umidlip.
dumilat.
ulirat.
pumikit.
dumikit.
binangungot.
patay.
ANWI 200.2

saklot ng pagkamangha
muwang ko'y napatihaya
sa katotohanang
ikaw ang
kagabi'y nasa
panaginip!
ano't ikaw
pala'y matagal
na ring
inasam na
ako'y katagpuin
sa masigalot nguni't
masalimuot
na lungkot
nitong mundo
kong ikaw
lagi ang
kasiping sa
kaulapan ng panindim!
 T R A Y D O R !

patalikod mong
pinasok
ang mundo ko
kaya't
di ko
nasilayan
ang maamo
mong mukha
sa pusikit
na oras
ng iyong
pag-ungol
habang ang
kalakhang
kamuwangan ko ay
naglakbay sa
madawag na
katuturan ng iyong
kawalang galang
sa aking
kasarinlan!
ANWI 201.2

iginuhit ka
ng liwanag
sa makulimlim
kong nakaraan.
inawit ka
ng ibon
sa sanga-sangang
landas na
aking pikit-matang
nilandas...
inuwi ka ng
pag-ibig dito
sa puso kong
walang pintuan
hanggang
sa buksan mo
ang isang
lihim na liham
at napagtanto
ang tunay
na dahilan
ng ating
pagtatagpo!

ANWI 202.2

pinako mo ako
sa isang
nakaraang naroroon ka...
tinabas lahat ang
masumpungang
mga pangarap...
iniluwa sa hangin
ang mga ugat
kong pinakatagotago
at datapwa't
nanlaban
igininupo ng iyong
mga hungkag
na pangako
ang tangi
kong kayamanan
sa mundo, itong
pusong wagas
na inalipusta't
isinumpa
at ngayo'y
babangon
upang lisanin
ang burak
ng iyong mapag-imbot
na kaluluwa!
[TANGING] NAIS KO

nais kong lumikha ng awit
mula sa mga sanga ng panahon
na tinuyo ng damdamin at
isinabit sa hangin...
nais kong humagikgik na may tono
upang madali mong matanto
na sa aking hungkag na pagkatao
ay naroon ka sa lahat ng oras ng
lunggati at siphayo...
nais kong sumipol sa dilim
nang sa ating landas ay
di maunsyami ang kay tagal
na inaasamasam na pagsibol
ng lunas sa sakbibing daluyong at
pighati ng sanlibutan!
T U L A K
hayun siya sa bilyaran,
minsan nasa tambayang tindahan,
kung mahiyain nama'y nasa bahay.
mamang payat, nangungulamata.
aleng tabain, mata'y dilat na dilat.
maya't maya'y may lumalapit.
maya't maya'y may hinihigit.
kaliwaan lang ang usapan, pag-abot
ng pera'y dadaupin ng palad
at kung mamalasin, o-lat
sa o-sip kaya
rumekta ka na lang
sa pulis!
 T R A Y S I K E L
laganap sa kung saan pa man
itong pampasaherong sasakyang
tatlo ang gulong
at pasigaw kung bumulong
maghapon at magdamag.
rumaratsadang di matinag-tinag,
bagama't iisa ang dating,
karamiha'y karagkarag na't
hatinggabi sa itim ng usok
na nakakasulasok
at amoy hininga ng diyablong
nagmumog ng asopre
maihatid lamang sa kanya-kanyang
sulok ang mga kaluluwang
sa kanila'y umaasa di
baleng minsa'y drayber
ay pugad ng baktol
at kasungitang di mawari.
suwerteng may iba ring
pogi na ang nagmamaneho'y
pogi rin ang minamaneho
sa dakong ito'y
harinawang totoo ang
sinasabi sa stiker niyang:
basta driver, sweet lover,
asa ka pa.
asawa'y lima-lima!
P A L E N G K E

 
talipapang pinagmula'y
limot na halos,
lumaki, lumawak
lalong umingay.
paninda'y sari-sari
at sa wari ay
lahat naroon na...
suki'y pinapatawad
nangungupit ay pinapatuwad.
mula madaling araw hanggang
inangkat ay said
na
di halos magkamayaw ang
masigasig sa buena manong
kunwari may dagdag
sa timbangang madaya
huwag lang mataon
sa tinderong buraot
na laging nakaabang
sa mamimiling natutulala
sa pinaghalong among ng
sariwa't kabulukan.
B R U T A L

brutal ...
almoranas na tinubuan ng mukha,
tumandang pokpok.
pinipendehong
unano,
almusal ay mura
at
pambabatok na umaatikabo.
mag-asawang tinda'y
dinuduraang ulam,
bahay ay impiyerno
kuwago'y tustado.
brutal.

 T I M A N G

tunay kang nakakaaliw,
bawa't kibit ng 'yong balikat
mistulang saliw
sa pagkurap ng talukap
at pagbuntonghininga
huwag nang isabay pa
ang humaharurot mong utot
at tuluyan nang magdidilim
ang paningin at
managinip ng gising
habang kinikimkim ang
panalanging huwag
sanang bumunghalit ng tawa
at nang di umulan ng laway
at sumingaw sa kalawakan
ang hininga mong ipinaglihi ata
sa imburnal
na iyong pinanggalingan!
SONATA CON DAGANG MAYNILA


o1.

alaala'y tumutulay

sa malasutlang kamalayan

na kinasadlakan ng halos ga-pusang inang daga,

doon sa kisame ng kung sinong

singkit na bugaw sa may

ronquillo : dating kalye,

kalimitan ngayo'y ilog.


heto, parang tuksong

sumasagi muli sa guniguni

ang pag-aray ng kalawanging

yero sa kasibulan ng

kasumpa-sumpang tag-araw

na nagpapatingkad pa sa gitna

ng umaalingasaw na lungsod

na walang kasiyahan...

'di na malinaw. madilim.

ang bulag naming pugad

ay di inalintanang sa

dako pala noo'y pugad

pa ring maaangkin ;

sabihin pang

kapalaran ay sakbibi

ng kulimlim.

hugis at anyo

ni ina ay di napansin.

sapat nang galis niya'y

mangiliti sa tuwing

sasalang sa magrasa niyang

utong ang hayok naming

pagnanasang lumakas na't

gawing alaala ang bubwit

naming mga pag-aakala!

kaya't kahit kakambal ng pagkabalisa

ang sindak naming tinamasa nang

minsang multo na lamang niya

ang aming pinagsasahan : dusang

pinasan ng aninag pa naming mga

pusong sa pagtibok ay nagkarerahan

habang tinutumbok

ang sigalot ng pagkaulila naming lubos...

praning kaming sumiyap. humikbi, umasang

sa pagsanib ng maka-dagang himala

ay tumibay nawa't pikitmatang

maglambitin sa sinulid ng buhay na

ambang mauudlot!

marahil na-salvage si ina.

... malamang pagod siya noon at lulugo-lugong

nilandas ang kanto quirino't raon

kung saa'y palipasan nilang mga naka-solvent

at nababatong mga tambay ang

pamamana't panunumpak

ng mga kalahing nagkamaling mapadako roon...

malamang hapong-hapo siya at di na nakuhang umiwas pa

at hinayaang malasin sa tudla ng pana't bala...

harinawang ibinurol muna ang

giniling niyang katuturan sa loob

ng mga mumurahing siopaw huwag

lang sanang pagsawaang sagasaan

at paulit-ulit na lapastanganin

ang kasalotsalutan niyang

kaanyuan habang nag-aabuloy

ng kabantutan sa

lungsod niyang

minamahal at

sinabuyan ng pagbibirong

kalagiman at kabulukan!

oh, ina... daga man

ay sa kanya kami nagmula;

bunga ng kalaswaang malimit

natitisuran sa

gilid ng mga nawawalang imburnal

tuwing sinasapian ng makadagang

pagnanasa ang lamig ng

bawa't karumaldumal na

hatinggabi.

o2.

ngayon? heto nga't may tatlong linggo na

mahigit kami... halang na rin ang panlasa at

may namumuong galis na rin sa magkabilaang

tagiliran.

ilang kiskisan na lang sa pagitan ng

mga non-biodegradables ay mapapanot

na rin ako...

minsan, tuwing nadadaan ang lumbay : kisameng

pugad muling dinadamay, hindi bagama't sa kirot

ng kalamnang kabubwitan tumalas

ang pang-amoy at nagpasyang

lisanin ang pinagmulatang hurno... ah... lakas ng loob,

konting agam-agam

at gabundok na 'bahala na!'

tinahak namin ang

landas tungo sa

totoong mundo...

tinalon ang nasumpungang laboratoryo; buo ang loob na

nauna ang ilan sa aming magkakapatid at

sa sindak ay natanaw silang

nasalo ng kawang puno ng nagkikislapang

mga bitak-bitak na kristal na

anyong sinasangag

sa puting usok...

sinasala't sinisinghot ng

isang patpating mamang dilat na dilat!

suwerte ko naman at lapag

lumagapak sabay karipas ng takbo

sa sulok at nagtago...

sinampalad silang natusta : nakaligtas na sana si bunso;

kaso'y trip niya'y di na nasakyan, tatlong araw na di

umidlip at nang magiyang at lumabas ay

naapakan tuloy.

pano'y tinityempong sisinghutin ang

puting ulap na

paminsan ay bumababa sa

sahig mula sa basong tubo na

dinadarang sa malumanay na

apoy... sinabayan pang ipananghalian ang mga

tumatalsik na malulutong

na bato.

hayun.

winalis ng paa.

natakot tuloy ako.

nagpasya na ako.

kailangang makatakas - ang

naulinigang ingay ng dumadaloy

na kahibangang kamaynilaa'y

nagpasuko sa kasabikang

mapangatawanan ang

marubdob na pagnanasang

naramdaman ; pagnanasang

hagkan ang lupang pinagtamnan

ng mga pangitaing mapaglaro

at mga pangarap na binubulok

ng kasakimang hatid ng

pagdarahop... naglaway ako

sa nasamyong pusali kung

ipupunla ang makamandag na

adhikaing kasasangkutan!

sa isang mahabang

pasilyong yero na

dinadaluyan ng malamig na hangin

ako'y napadako...

kabadong tinahak ang gabok at himulmol

at pilit na nakatuwaang itutok ang

pansin sa dulo nitong

may kung anong mga aninong

kumukutitap sa dilim...

saglit na sanang naaliw

sa nabungarang romansahang baliw

nguni't muntik-muntikan nang

natuliro sa agos

ng katampalasang tumatatak sa

telon : pelikulang pinoy,

prodyus ni behang hunghang.

basurang di mapapapak; sa isipa'y dumi

ang nilalatak.

kawawang bansa, inaalipi't inaalipusta

mapasagana lamang ang mga

dayuhang tampalasan sa

kalinangang dina-daga, na nga!

sa paglilimayon natisurang bigla

dagang university belt ; walang

pakundangang nagngangawa

habang hinahablot ang

katiyakang

manamnaman ko raw sa malao't

madali

ang umaasbong kabulukang

saykososyopulitika na

lipunang kukublihan ; gagalawan,

pag-ingatan ko pa man na di

mabungaran

basta't seguraduhin ko lang

na lipulin ang kalinisan!

oo na nga lang at nakakalula

siya. isang pretensyosang

intelektuwal dahil

daga pa rin siyang

buhay ay kay ikli

wala man sa langit

ang taning!

bagong sibol lamang ako. bagong dugo sa

bayang nagdarahop na nga'y walang pasubaling

dinadarambong!

o3.

wala nang pagsidlan

ang tuwa't galak

habang sa

wakas ay

natunton ang dulo

ng sabik kong

paghahanap ng

itinakdang daigdig

sa loob ng isa pang

daigdig na nakabalot

at nabahiran ng

walang patumanggang

kabalahuraang

moral

at mortal

na katotohanan...

di magkandaugagang harutan

ang aking ginawa!

nakipaghalakhakan sa mga

bangaw ; tsikahang umaatikabo

sa mga ipis at uod... landiang

walang patumangga sa mga

nagbagong anyong kulisap ng

kapahamakan!

lambadahan sa saliw

ng nakakatoreteng trapik

ay halos mabundat ang mura

kong kadagaan sa

mikrobyong buong

puso nilang

ilalaan!

walang sawang sosyalan

pala ang nakakahilakbot na

misyon sa ko'y pinupuntirya...kahindikhindik ang

siphayong idudulot manapa'y

malamang na sa paglipol

ng aming uri sa katampalasan ng tao, mistulang

sambahan ang bawa't tambakan ng basurang

kasulasulasok at kami'y

pagpalaing kikilalaning magmamay-ari

sa planetang laspag!

gastroenteritis.

'yan.

'yan ang malimit

kong ipahid

sa mga plato't

kutsara't tinidor

na burarang sagabal

sa aming pagliliwaliw...

at sa mga dilang nakalawit

habang umiidlip silang mga

walang maturingang kama

kundi saydwok lamang.

at 'yang musmos na naglilimahid sa kalye ay

lihim nang sumanib sa aming lipi... ano pa at sa

kanilang pangangalkal at paglalangoy sa karagatang

lungsod sa tag-ulan ay sinisimsim na rin

ang dapat ay sa amin lamang... di nga ba't kulang

pa man sa panahon ay pinipitas na sila ng libingang limot?

malaganap na ngang tunay

ay ipanagsasawalang-bahala

pa rin nilang mga sakreng kaluluwa

ang kabalbalang katuwiran ng aming

pagka-kami?

sukat ba namang pinaglahok

nila ang kamandag ng kapabayaan upang

masakop namin ang

karapatang ibatong

pabalik sa lipunang mapagparaya

ang kabaliwang sakupin ng aming

uring mapamuksa ang

karapatang handugan sila ng epidemya?

gutay-gutay na ang dalisay

na simulaing banal...

ginahasa't nilinlang sa

pinagnanasahang kaunlaran...

hibang na rin ang kalakhang katuturan

ng sangkatauhang kababalaghan!

paano nga ba ang magpaalam?

magpaalam?

hindi na uso 'yan.

sabayan na lang ng

malutong na 'ingat ka'

sapat na.

heto ako ngayon

sa tuktok ng jones

tumutulay.

tumutula.

humuhuni habang

nakatingala sa

nag-uuling na

papawirin at inuugoy

ng masidhing

panlulumo...

daga lamang akong

hatid ay bubunik, kolera,

leptospirosis at

kung anek-anek pa.

dagang tinatawiran ng makamandag na dugong

isinalin ng kasumpasumpang panahon na

kahit pa ang ilog na pinagbabantaang languyin

ay bilanggo na rin ng

sinalantang pangitain!

1992