Thursday, January 28, 2016

SONATA CON DAGANG MAYNILA


o1.

alaala'y tumutulay

sa malasutlang kamalayan

na kinasadlakan ng halos ga-pusang inang daga,

doon sa kisame ng kung sinong

singkit na bugaw sa may

ronquillo : dating kalye,

kalimitan ngayo'y ilog.


heto, parang tuksong

sumasagi muli sa guniguni

ang pag-aray ng kalawanging

yero sa kasibulan ng

kasumpa-sumpang tag-araw

na nagpapatingkad pa sa gitna

ng umaalingasaw na lungsod

na walang kasiyahan...

'di na malinaw. madilim.

ang bulag naming pugad

ay di inalintanang sa

dako pala noo'y pugad

pa ring maaangkin ;

sabihin pang

kapalaran ay sakbibi

ng kulimlim.

hugis at anyo

ni ina ay di napansin.

sapat nang galis niya'y

mangiliti sa tuwing

sasalang sa magrasa niyang

utong ang hayok naming

pagnanasang lumakas na't

gawing alaala ang bubwit

naming mga pag-aakala!

kaya't kahit kakambal ng pagkabalisa

ang sindak naming tinamasa nang

minsang multo na lamang niya

ang aming pinagsasahan : dusang

pinasan ng aninag pa naming mga

pusong sa pagtibok ay nagkarerahan

habang tinutumbok

ang sigalot ng pagkaulila naming lubos...

praning kaming sumiyap. humikbi, umasang

sa pagsanib ng maka-dagang himala

ay tumibay nawa't pikitmatang

maglambitin sa sinulid ng buhay na

ambang mauudlot!

marahil na-salvage si ina.

... malamang pagod siya noon at lulugo-lugong

nilandas ang kanto quirino't raon

kung saa'y palipasan nilang mga naka-solvent

at nababatong mga tambay ang

pamamana't panunumpak

ng mga kalahing nagkamaling mapadako roon...

malamang hapong-hapo siya at di na nakuhang umiwas pa

at hinayaang malasin sa tudla ng pana't bala...

harinawang ibinurol muna ang

giniling niyang katuturan sa loob

ng mga mumurahing siopaw huwag

lang sanang pagsawaang sagasaan

at paulit-ulit na lapastanganin

ang kasalotsalutan niyang

kaanyuan habang nag-aabuloy

ng kabantutan sa

lungsod niyang

minamahal at

sinabuyan ng pagbibirong

kalagiman at kabulukan!

oh, ina... daga man

ay sa kanya kami nagmula;

bunga ng kalaswaang malimit

natitisuran sa

gilid ng mga nawawalang imburnal

tuwing sinasapian ng makadagang

pagnanasa ang lamig ng

bawa't karumaldumal na

hatinggabi.

o2.

ngayon? heto nga't may tatlong linggo na

mahigit kami... halang na rin ang panlasa at

may namumuong galis na rin sa magkabilaang

tagiliran.

ilang kiskisan na lang sa pagitan ng

mga non-biodegradables ay mapapanot

na rin ako...

minsan, tuwing nadadaan ang lumbay : kisameng

pugad muling dinadamay, hindi bagama't sa kirot

ng kalamnang kabubwitan tumalas

ang pang-amoy at nagpasyang

lisanin ang pinagmulatang hurno... ah... lakas ng loob,

konting agam-agam

at gabundok na 'bahala na!'

tinahak namin ang

landas tungo sa

totoong mundo...

tinalon ang nasumpungang laboratoryo; buo ang loob na

nauna ang ilan sa aming magkakapatid at

sa sindak ay natanaw silang

nasalo ng kawang puno ng nagkikislapang

mga bitak-bitak na kristal na

anyong sinasangag

sa puting usok...

sinasala't sinisinghot ng

isang patpating mamang dilat na dilat!

suwerte ko naman at lapag

lumagapak sabay karipas ng takbo

sa sulok at nagtago...

sinampalad silang natusta : nakaligtas na sana si bunso;

kaso'y trip niya'y di na nasakyan, tatlong araw na di

umidlip at nang magiyang at lumabas ay

naapakan tuloy.

pano'y tinityempong sisinghutin ang

puting ulap na

paminsan ay bumababa sa

sahig mula sa basong tubo na

dinadarang sa malumanay na

apoy... sinabayan pang ipananghalian ang mga

tumatalsik na malulutong

na bato.

hayun.

winalis ng paa.

natakot tuloy ako.

nagpasya na ako.

kailangang makatakas - ang

naulinigang ingay ng dumadaloy

na kahibangang kamaynilaa'y

nagpasuko sa kasabikang

mapangatawanan ang

marubdob na pagnanasang

naramdaman ; pagnanasang

hagkan ang lupang pinagtamnan

ng mga pangitaing mapaglaro

at mga pangarap na binubulok

ng kasakimang hatid ng

pagdarahop... naglaway ako

sa nasamyong pusali kung

ipupunla ang makamandag na

adhikaing kasasangkutan!

sa isang mahabang

pasilyong yero na

dinadaluyan ng malamig na hangin

ako'y napadako...

kabadong tinahak ang gabok at himulmol

at pilit na nakatuwaang itutok ang

pansin sa dulo nitong

may kung anong mga aninong

kumukutitap sa dilim...

saglit na sanang naaliw

sa nabungarang romansahang baliw

nguni't muntik-muntikan nang

natuliro sa agos

ng katampalasang tumatatak sa

telon : pelikulang pinoy,

prodyus ni behang hunghang.

basurang di mapapapak; sa isipa'y dumi

ang nilalatak.

kawawang bansa, inaalipi't inaalipusta

mapasagana lamang ang mga

dayuhang tampalasan sa

kalinangang dina-daga, na nga!

sa paglilimayon natisurang bigla

dagang university belt ; walang

pakundangang nagngangawa

habang hinahablot ang

katiyakang

manamnaman ko raw sa malao't

madali

ang umaasbong kabulukang

saykososyopulitika na

lipunang kukublihan ; gagalawan,

pag-ingatan ko pa man na di

mabungaran

basta't seguraduhin ko lang

na lipulin ang kalinisan!

oo na nga lang at nakakalula

siya. isang pretensyosang

intelektuwal dahil

daga pa rin siyang

buhay ay kay ikli

wala man sa langit

ang taning!

bagong sibol lamang ako. bagong dugo sa

bayang nagdarahop na nga'y walang pasubaling

dinadarambong!

o3.

wala nang pagsidlan

ang tuwa't galak

habang sa

wakas ay

natunton ang dulo

ng sabik kong

paghahanap ng

itinakdang daigdig

sa loob ng isa pang

daigdig na nakabalot

at nabahiran ng

walang patumanggang

kabalahuraang

moral

at mortal

na katotohanan...

di magkandaugagang harutan

ang aking ginawa!

nakipaghalakhakan sa mga

bangaw ; tsikahang umaatikabo

sa mga ipis at uod... landiang

walang patumangga sa mga

nagbagong anyong kulisap ng

kapahamakan!

lambadahan sa saliw

ng nakakatoreteng trapik

ay halos mabundat ang mura

kong kadagaan sa

mikrobyong buong

puso nilang

ilalaan!

walang sawang sosyalan

pala ang nakakahilakbot na

misyon sa ko'y pinupuntirya...kahindikhindik ang

siphayong idudulot manapa'y

malamang na sa paglipol

ng aming uri sa katampalasan ng tao, mistulang

sambahan ang bawa't tambakan ng basurang

kasulasulasok at kami'y

pagpalaing kikilalaning magmamay-ari

sa planetang laspag!

gastroenteritis.

'yan.

'yan ang malimit

kong ipahid

sa mga plato't

kutsara't tinidor

na burarang sagabal

sa aming pagliliwaliw...

at sa mga dilang nakalawit

habang umiidlip silang mga

walang maturingang kama

kundi saydwok lamang.

at 'yang musmos na naglilimahid sa kalye ay

lihim nang sumanib sa aming lipi... ano pa at sa

kanilang pangangalkal at paglalangoy sa karagatang

lungsod sa tag-ulan ay sinisimsim na rin

ang dapat ay sa amin lamang... di nga ba't kulang

pa man sa panahon ay pinipitas na sila ng libingang limot?

malaganap na ngang tunay

ay ipanagsasawalang-bahala

pa rin nilang mga sakreng kaluluwa

ang kabalbalang katuwiran ng aming

pagka-kami?

sukat ba namang pinaglahok

nila ang kamandag ng kapabayaan upang

masakop namin ang

karapatang ibatong

pabalik sa lipunang mapagparaya

ang kabaliwang sakupin ng aming

uring mapamuksa ang

karapatang handugan sila ng epidemya?

gutay-gutay na ang dalisay

na simulaing banal...

ginahasa't nilinlang sa

pinagnanasahang kaunlaran...

hibang na rin ang kalakhang katuturan

ng sangkatauhang kababalaghan!

paano nga ba ang magpaalam?

magpaalam?

hindi na uso 'yan.

sabayan na lang ng

malutong na 'ingat ka'

sapat na.

heto ako ngayon

sa tuktok ng jones

tumutulay.

tumutula.

humuhuni habang

nakatingala sa

nag-uuling na

papawirin at inuugoy

ng masidhing

panlulumo...

daga lamang akong

hatid ay bubunik, kolera,

leptospirosis at

kung anek-anek pa.

dagang tinatawiran ng makamandag na dugong

isinalin ng kasumpasumpang panahon na

kahit pa ang ilog na pinagbabantaang languyin

ay bilanggo na rin ng

sinalantang pangitain!

1992

No comments:

Post a Comment